Minarapat kong isulat ang akdang ito sa wikang Tagalog upang bigyan ng kaukulang pagpupugay ang manunulat na Pilipino. Ipagpaumanhin na ang aking pamagat ay mayroon Ingles na salita, ito ay dahil sa nais kong maging iisa ang porma ng aking mga akda sa lathalaing ito. At higit sa lahat, dahil hindi ko talaga alam ang tagalog ng “book review”. :-P
Kakatapos ko lamang basahin ang pinakabagong akda ng isa sa aking paboritong Pilipinong manunulat na si Bob Ong. Masasabi kong bilang isang taong mahilig magbasa, minarapat kong maging mas bukas ang aking kaisipan sa pagtangkilik ng banyaga at Pilipinong manunulat. Subalit inaamin kong mas madalas akong tumangkilik ng mga librong gawa ng banyaga, hindi dahil mas magaling sila. Nais kong isipin na sadyang mas marami lang sila kesa sa mga Pilipinong manunulat.
Nakakalungkot na ang mga tulad kong may taglay na hilig sa pagbabasa ay nakukulong sa kakarampot na mga akdang Pilipino. Pero teka muna, nawawala na naman ako sa paksa kaya babalik lang akong muli. Hehe.. Ititigil ko muna ang walang saysay na pagrereklamo.
Nung una kong nakita ang librong “Lumayo Ka Nga Sa Akin”, ako ay nagulat. Hindi dahil sa kung anu pa man, kundi dahil sa ang pangit ng takip ng aklat na ito. (Ano nga ba sa tagalog ang “book cover”?) Sa unang tingin, iisipin mong isa ito sa mga maiiksing nobelang madalas na binabasa ng mga tinaguriang “jologs” ng lipunan. Subalit matapos ko itong basahin ay naintindihan ko kung bakit minarapat ni Bob Ong na ganun ang gawing pabalat ng kanyang akda. Ang librong ito ay tumatalakay o mas tamang sabihing kumukondena sa hindi magandang ginagawa ng pelikula at telebisyon at ng midya sa kabuuan.
Masasabi kong sa lahat ng kanyang mga libro, ito ang pinaka-direkta na pagkundinang ginawa ni Bob Ong. Dito ay nasaksihan ko ang mas matapang na Bob Ong. Mas direkta, mas sapul, mas kumpleto. Isang lathalaing hindi nagtatago sa mga normal na biro. Isang akdang hindi natatakot na sabihin ang nais. Isang akdang hindi kinakailangan ng matalinong mambabasa para maunawaan ang tunay na nilalaman. Ito’y isang akda na ang nais ay direktang lumaban sa mga mali ng lipunan. Subalit, sa lahat ng kanyang mga akda, ito ang pinaka hindi ko nagustuhan.
Siguro ay labis akong nasanay sa masusing pag-intindi sa mga akda ni Bob Ong. Labis akong natuwa sa mga librong akala mo sa una’y walang saysay subalit ang katotohanan ay punong puno ng aral. At mang mang kang matatawag kung hindi mo naintindihan. Masyadong naging sikat si Bob Ong sa kanyang mga linyang kumukuntil sa ating balintataw. Marahil ay mas nais kong basahin ang isang Bob Ong na puro kalokohan pero may sustansya kesa sa Bob Ong na matapang at direktang sinasabi ang nais ipakahulugan.
Subalit hindi ko sinasabing walang saysay ang akdang ito. Sa halip, ito ay isang akdang puno ng kabuluhan. Ito ay isang akda ng isang Pilipinong nais makakita ng mga mas makabuluhang palabas sa telebisyon at sine. Isang bagay na matagal ko ng nais isigaw. Nakakatuwang may isang manunulat na sinasalamin ang aking hinaing.
Hindi man ito ang paborito kong libro ni Bob Ong, nais ko padin sabihing isa ito sa mga dapat basahin. Kung nais mong matawa sa mga kalokohan ng Pilipino, kung nais mong magising sa mga bagay na dapat ay matagal mo ng napapansin, kung nais mong matuto.
Isang saludo para sa isang manunulat na Pilipino. Para sa isang manunulat na nagbibigay inspirasyon sa mga katulad kong may hilig sa pagbabasa at pagsusulat. Isang saludo para sa isang taong may taglay na talino at pagmamahal sa bayan. Sa isang manunulat na ginagamit ang talino upang pumukaw ng damdamin sa paraang maka-Pilipino, ang paggamit ng komedya para iparating ang saloobin.
Sa mga nais bumili, hinihikayat ko kayong tangkilikin ito. Kung nais ninyong tumawa at matuto. Sana’y ibukas ninyo ang inyong mga isip habang nagbabasa. At sana, higit sa pag-aakalang isa itong akdang hindi maka-Pilipino, tingnan nyo ito bilang isang akdang nais turuan tayong maging mas matalino.
ReigningStill ReigningStill Books Reviews
0 comments:
Post a Comment